DALLAS - Sigurado na ba si Freddie Roach na mananalo si Manny Pacquiao kay Antonio Margarito na inaasahan na niya ang kanyang Christmas vacation?
Tila ito ang ipinaramdam ng trainer matapos ihayag na gusto niyang muling bumisita sa Pilipinas sa Disyembre upang daluhan ang pang 32 kaarawan ni Pacquiao sa Sarangani.
At matapos ito, sinabi naman ni Roach na panahon na para bisitahin naman niya ang Boracay, ang kanyang paboritong lugar bukod sa United States.
“Manny will have his birthday party and from his birthday party I might go right to Boracay. I love Boracay. I had a great time there the last time (2007),” wika ni Roach.
Ngunit bago ang pinaplano niyang bakasyon, kailangan munang ipanalo ni Roach ang laban ni Pacquiao kay Margarito sa Linggo dito sa Cowboys Stadium.
Sa Disyembre 4 naman lalaban ang isa pa niyang alagang si Julio Cesar Chavez Jr. at sa Disyembre 11 ang pagtungong ni Amir Khan.
Haharapin ni Chavez si Alfonso Gomez sa Anaheim, California para sa WBC silver middleweight title, habang itataya ni Khan ang kanyang WBA junior welterweight crown laban kay Marcos Rene Maidana sa Mandalay Bay.
“Boracay sounds good because I need a break,” ani Roach, may standing invitation mula kay Cris Aquino, ang kaibigan ni Pacquiao, sa West Cove Resort sa island paradise.
Si Aquino ang perennial flag bearer sa mga laban ni Pacquiao sa US, ngunit ngayon ay hindi makakapunta bunga ng personal na dahilan.
Samantalang, mayroong Oscar winner, Academy Award winner sa chartered Boeing 757 na nagdala kay Manny Pacquiao at sa kanyang malaking entourage dito.
Inupuan niya ang seat 10D. At ang kanyang pangalan ay Leon Gast.
Ang American film director, producer, cinematographer at editor ay gumagawa ng documentary sa buhay ng 31-anyos na Filipino boxing champion.
Kasama ng anim pang crew, gagawin niya ang Gast ang biography ni Pacquiao katulad ng kanyang mga ginawa para makuha ang Oscar Award noong 1996 mula sa feature na “When We Were Kings.”
Maaari rin itong maging kahawig ng “Rumble in the Jungle,” ang Oct. 30, 1974 heavyweight championship bout sa pagitan nina Muhammad Ali at George Foreman ng Zaire.
“We filmed it in 1974 but got to release it only in 1996. We got sued by almost everybody because we didn’t have the permission of a lot of people. Then it won the Oscar,” wika ni Gast. At inaasahang muling susulat ng kasaysayan si Gast.