2 win pakay ng Manila, Batangas

MANILA, Philippines - Ikalawang sunod na panalo ang sisikaping abutin ng nagdedepensang Ma­nila at Batangas ngayon sa Dunkin Donuts Baseball Philippine Series VII sa Felino Marcelino Memorial Baseball Field sa Taguig City.

Sariwa sa12-2 regulated win laban sa Alabang sa unang asignatura, pilit na ipamamalas uli ng two-time champion Bulls ang kanilang bagong lakas sa pagbangga sa Taguig sa unang laro ganap na ika-9 ng umaga.

Isusunod agad dito ang tagisan ng Sharks at bagitong Quezon City sa ganap na ika-1 ng hapon na kung saan paboritong manalo rin ang koponang hawak ni team manager Jhoel Palanog matapos ang 5-4 pangingibabaw sa nakalaban sa titulo sa Series VI na Cebu Dolphins.

Umaasa si Palanog na di magkukumpiyansa ang kanyang mga alipores lalo nga’t ang Quezon City ay binubuo ng mga manlalarong dating naglaro sa Pampanga na tumalo sa kanila sa Series VI.

Mahalaga ang bawat laro sa eliminasyon dahil single round robin lamang ito at ang mangungulelat na dalawang koponan ay agad na magbabakasyon.

Show comments