MANILA, Philippines - Pinayuko ng Hobe Bihon ang Lyceum of the Philippines University, 77-70 upang ipormalisa ang kanilang pagpasok sa semifinal round, habang hiniya naman ng Manuel Luis Quezon University ang Rizal Technological University, 114-88 at makatabla sa ikalawang puwesto para sa semis berth sa 2010 MBL Invitational basketball championship sa RTU gym sa Mandaluyong City
Nagtulong sina dating PBA players Niño Marquez at Billy Moody sa tinapos na 28 points para sa Hobe, nasilo ang kanilang ikaanim na panalo matapos ang pitong laro sa nine-team tournament na suportado ng Smart Sports, Dickies Underwear, W.G. Diners at PRC Courier Services.
Tumapos si Marquez, lumaro sa Air21 sa PBA ng 16 puntos, kabilang ang apat na tres, habang naglista si Moody, lumaro naman sa San Miguel Beer, ng 12 puntos para sa Hobe.
Bumandera naman sa Pirates si Reggie Rimado na may 15 puntos kung saan bumagsak ang Intramuros-based dribblers sa 3-4 kartada.
Sumandig naman ang Stallions ni coach Sherman Crisostomo at manager Vicky Chan sa matikas na laro nina Alvin Vitug at Jopher Custodio at talunin ang Blue Thunder para makasalo ang defending champion Wang’s Ballclub na may 5-2 karta.