Patrombon humataw ng 2 panalo, Patrimonio kumakasa pa
MANILA, Philippines - Lumabas ang init ng paglalaro ni Filipino netter Jeson Patrombon nang manalo ito sa dalawang laro habang si Anna Charice Patrimonio naman ay humablot din ng panalo na pawang nangyari sa pagpapatuloy ng Seogwipp Asian/Oceania Closed Championships sa Jeju-do, South Korea.
Nagpakita ng mas matibay na paglalaro si Patrombon nang kinaharap ang pambato ng Korea na si Hogi Kang para sa 6-2, 6-4, panalo sa round of 32 na sagupaan sa boy’s singles.
Ang tagumpay ay nagtulak sa second seed na si Patrombon na maitakda ang pagkikita nila ni Cu-uang Ting-yu ng Chinese Taipei na hiniya ang 16th seed na si JordanThompson ng Australia, 6-1, 6-0.
Di tulad sa unang laro laban kay Rishabdev Raman ng India na kanya rin tinalo, 6-4, 6-3, sa first round, mas nakasanayan na ni Patrombon ang malakas na hangin habang pinatahimik naman ang mga manonood na pabor kay Kang sa paghataw ng mga winners.
Matapos ito ay nakipagtambal naman si Patrombon kay Jarin Grinter ng New Zealand at ang kanilang unang tambalan ay nagresulta sa 6-1, 6-2, pa-nalo laban sa magkaparehang sina James Hong ng Hong Kong at Siyu Liu ng China sa pagbubukas ng doubles competition.
Umabante ang third seeds sa round of 16 laban kina Kim Ho Gak at Kim Yun na umiskor ng 6-4, 6-2, panalo laban kay Kim Sung Hun ng Korea at Roy Zeidan ng Lebanon.
Ang pambato naman sa kababaihan na si Patrimonio na nasibak sa unang laro sa girls singles ay nakaabante sa second round sa doubles nang nagbunga ang tambalan nila ni Ai Wen Zhu ng China ng 6-2, 6-3, tagumpay laban kina Jeong Yeong Won at Kim Da Hye ng Korea.
- Latest
- Trending