MANILA, Philippines - Ang landas para sa mithiing ikalawang division title ni Brian Viloria ay magsisimula sa Biyernes sa pagharap nito kay Liempetch Sor Veerapol ng Thailand sa Ynares Sports Center sa Pasig City.
Naghari sa WBC at IBF light flyweight division, si Viloria ay kakampanya na sa flyweight division at pilit niyang ipakikita na angkop sa kanya ang 112 pound division.
“I feel great and very excited,” wika ni Viloria nang humarap sa mamamahayag sa Gerry’s Grill sa Tomas Morato.
“I feel great that I wish the fight is held tonight,” dagdag pa ng may kumpiyansang 29-anyos na boksingero.
Nakasama niya sa pulong pambalitaan ang trainer na si Ruben Gomez na tiniyak niyang walang magiging problema si Viloria sa napipintong laban.
Nagdesisyon si Viloria na umakyat na ng timbang nang matalo kay Carlos Tamara noong Enero 23 upang maisuko ang IBF light flyweight title na ginanap sa Cuneta Astrodome.
Nakabawi na siya kahit paano sa pagkabigong ito nang manalo kay Omar Soto nitong Hulyo 10 sa split decision sa Ynares.
May 27 panalo, 3 talo at 2 tabla si Viloria at umaasa siyang maisakatuparan ang pagsabak uli sa title fight kung manalo kay Veerapol.
Number one contender si Viloria sa WBO division na pinaghaharian ni Julio Cesar Miranda ng Mexico.
Si Veerapol ay isang 22 anyos na boksingero na mayroong 27 laban at 19 panalo bukod sa 7 talo.
Ito na ang ikaanim na laban ni Veerapol sa taong ito at nagtala ito ng dalawang panalo, dalawang talo at isang tabla sa naunang mga laban.
May dalawa ang Filipino boxers ang babangga sa mga Thais sa undercard at mangunguna nga rito ay si Denver Cuello na susukatin si Kongkrita Kiatpracha.
Sariwa sa 9th round TKO panalo si Cuello kay Muhammad Rachman upang mapanalunan ang WBC international minimum title nitong Setyembre 25 sa Iligan City.
Si Rodel Mayol naman ay sasagupa kay Thai Pompetch Twins gym sa isa pang undercard.