MANILA, Philippines - Hindi napanatili ni Marian Jade Capadocia ang init ng paglalaro na ipinakita sa second set upang matalo sa qualifier na si Nimisha Mohan ng India upang katampukan ang di magandang kampanya ng Pilipinas sa ICTSI/ITF Women’s Circuit Week I kahapon sa Rizal Memorial Tennis Center.
Biglang nanlamig si Capadocia sa ikatlong set at naisuko ang unang apat na games sa laro para matulungan ang katunggali na makuha ang momentum uli sa laro tungo sa 7-5, 3-6,6-1, kabiguan sa labanang tumagal ng dalawang oras at 15 minuto.
Bago si Capadocia ay nalampaso rin ang dalawang iba pang wild card bets ng host country upang maiwan kay Marinel Rudas ang kampanyang maiwagayway pa ang bandila ng bansa sa $10,000 torneo na ito na inorganisa ng Philippine Tennis Association (Philta).
Ang number two seeds sa kababaihan sa bansa na si Tamitha Nguyen ay yumukod kay German qualifier Jessica Sabeshinskaja, 6-2, 6-0, sa larong umabot lamang ng 55 minuto.
Ang dating number one player na si Christine Patrimonio naman ay wala sa kanyang tamang kondisyon upang hiyain ni Fil-German Katharina Lehnert, 6-0, 6-0.
Si Rudas ay masasalang ngayon sa kanyang unang laro sa first round kontra kay Korean qualifier Kim Jung-Eun
Si Luksika Kumkhum ng Thailand at Tomoko Dokei ng Japan ay umabante rin sa second round nang talunin ni Kumkhum si Kim Hae-sung ng Korera, 6-4, 6-4, at Ya Zhou ng China, 6-4, 6-3, ayon sa pagkakasunod.