SBP naghihintay pa rin ng sagot mula sa FIBA Asia/OCA
MANILA, Philippines - Hanggang sa ngayon ay naghihintay pa ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ng kasagutan mula sa FIBA-Asia at Olympic Council of Asia (OCA) ukol sa kanilang unang makakaharap para sa 16th Asian Games sa Guangzhou, China.
Ito ay matapos umatras ang Saudi Arabia at Kuwait sa men’s basketball competition ng nasabing quadrennial event na nakatakda sa Nobyembre 12-27.
“We have sought clarification from FIBA-Asia, pero wala pa kaming nakukuhang sagot sa kanila,” sabi kahapon ni SBP exeuctive director Noli Eala sa lingguhang PSA forum sa Shakey’s sa U.N. Avenue, Manila.
Sa pag-atras ng Saudi Arabia at Kuwait, inihayag ng FIBA-Asia na hahatiin na lamang sa dalawang grupo ang maglalaban sa preliminary rounds.
Ang Saudi Arabia sana ang unang makakatagpo ng Smart Gilas sa first round.
Kasama ng Nationals sa Group A ang Kuwait, Hong Kong at North Korea, habang nasa Group B naman ang Turkmenistan, Mongolia, India at Afghanistan.
Ang pitong koponan ay maglalaban para sa apat na silya sa susunod na round.
Matapos ang isang single round robin, ang top two teams sa bawat grupo ang aabante sa tournament proper kung saan naghihintay ang host China, South Korea, Uzbekistan, Jordan, Chinese-Taipei, Iran, Japan at Qatar.
- Latest
- Trending