MANILA, Philippines - Inamin ni Freddie Roach na naapektuhan ang pagsasanay ni Manny Pacquiao sa Pilipinas dala ng kanyang pagiging kongresista ng Sarangani Province.
Sa panayam ng HBO para sa kanilang ginawang preview sa labanan Pacquiao at Antonio Margarito sa Nobyembre 13 sa Cowboy’s Stadium sa Arlington, Texas, sinabi ni Roach na tila nadagdagan ang mga distractions ni Pacquiao nang manalo sa nakaraang halalan.
“I thing Congress is getting in a little bit,” wika ni Roach.
“His focus isn’t right so he’s not consistent. Going into big fights, even the slightest distraction can throw a guy off,” may pangamba pang sinabi ni Roach.
Maliban sa pagba-basketball ay bumaba ng Maynila si Pacquiao tuwing Sabado upang magampanan ang kanyang trabaho bilang Kongresista.
Dahil rito ay nabahala ang buong kasapi ng Team Pacquiao dahil hindi pa maabot nito ang bilis na hanap at kailangan para talunin ang mas malaking si Margarito.
Kasama sa nabahala ay si Top Rank promoter Bob Arum na inihayag na kung agad isasagawa ang laban ay tiyak na talo ang Pambansang kamao.
Pero hindi lamang sa Pilipinas nagkaroon ng pag-abala sa pagsasanay dahil kahit nasa US na siya ay may inatupag din siya na ibang bagay.
Kumampanya siya kay US Senator Harry Reid na nagnanais na manumbalik sa kanyang dating puwesto at nitong Nov. 1 ay humarap kay Jimmy Kimmel para talk show nito.
Tiniyak naman ni Pacquiao na wala ng dapat ikabahala sa kanyang kondisyon dahil siya ang nakakaalam sa tamang pangangatawan.
Sa linggong ito totodo ng pagsasanay kasama ang mga bigating sparmates si Pacquiao dahil sa susunod na linggo ay tutungo na ang Team Pacquiao sa Arlington Texas para mapaghandaan ang laban nila ni Margarito.
Para sa bakanteng WBC junior middleweight title ang tagisan pero higit sa ikawalong world title ni Pacquiao, ang panalo ay maglilinya sa kanya para sa posibleng pagkikita nila ni Floyd Mayweather, Jr. sa 2011.