MANILA, Philippines - Sisikapin nina Aileen Rogan at Maika Jae Tanpoco na madagdagan pa ang mga Filipina tennis players na maglalaro sa main draw ng ICTSI ITF Women’s Circuit I sa pagharap sa mga dayuhan sa pagtatapos ng qualifying round ngayon sa Rizal Memorial Tennis Center.
Si Rogan ay makakatapat si Ya Zhou ng China habang susubukan ni Tanpoco ang husay ni Chae Kyung-yee ng Korea na parehong itinakda ganap na alas-9 ng umaga.
Sina Rogan at Tanpoco na lamang ang nalalabing nakatayo sa dalawang araw na qualifying event na ito dahil nasibak na si Marianne Hillary De Guzman matapos yumukod kay Nimisha Mohan ng India, 6-1, 6-0.
Nakatiyak na rin ng puwesto sa main draw mula sa qualifying round si Fil-German Katharina Lehnert nang kunin ang 6-0, 6-2, panalo.
Walong qualifiers ang kumumpleto sa mga maglalaro sa main draw ng $10,000 tournament bukas.
Sina Christine Patrimonio, Marian Jade Capadocia, Steffi Rei Varias at Marinel Rudas ay nabigyan naman ng wild cards para makasama na sa main draw.
May 18 dayuhan naman ang nasa main draw sa pamumuno ng 510th ranked Gally de Wael ng Belguim.
Sina Pia Soumalainen ng Finland, Elodie Rogge-Dietrich ng France, Nungnadda Wannasuk, Varatchaya Wongteanchai, Nicha Lertpitaksinchai at Peangthan Pliphuech ng Thailand; Rushmi Chakravarthi ng Indonesia; Hae-Sung Kim, Na-Lee Han at Ji-Young Kim ng Korea; Lin Zhu at Chun-Yan He ng China; Ivana King at Chanelle Van Nguyen ng United States; Ofri Lankri ng Israel; Tomoko Dokei ng Japan; at Katharina Negrin ng Austria ay maglalaro rin sa kompetisyon.