MANILA, Philippines - Nabawasan man ng mga beterano ay hindi naman nabawasan ang husay ng two-time champion na Batangas Bulls nang kanilang ilampaso ang Alabang Tigers, 12-2, sa pagpapatuloy ng Dunkin’ Donuts Baseball Philippines Series VII kahapon sa Felino Marcelino Memorial Field sa Taguig City.
Sinabayan ang magandang panalong ito ng Bulls ng pagbangon ng isa pang two-time champion na Cebu Dolphins sa bisa ng 10-5 panalo sa host Taguig.
Kumawala ang Dolphins, na natalo sa Manila, 4-5, noong Sabado, ng walong runs sa ikapitong inning para mapawi ang naunang 5-2 kalamangan ng Taguig at magtabla ang dalawa sa 1-1 karta.
Isang homerun angginawa ni Jonash Ponce upang katampukan ang pag-araro ng runs ng Cebu bago ipinagkatiwala kay reliever Joseph Orillana ang panalo nang bigyan lamang nito ng isang hit ang Taguig sa huling tatlong innings.
Si Charles Catangui na hindi masyadong nagamit noong nakaraang taon ay naghatid ng tatlong runs habang ang beteranong si Vio Roxas ay gumawa ng dalawang standing double at may 2 RBIs upang katampukan ang 12 hits na ginawa ng Bulls sa limang pitchers na ginamit ng Tigers.
Si Dio Remollo ay humataw din ng triple sa bottom eight upang mapapasok sina Catangui at Jose Miguel San Juan para selyuhan ang anim na runs na ginawa upang magwakas ang laro dahil sa 10 run mercy rule.
Ang mga beteranong pitchers na sina Romeo Jasmin at Vladimir Eguia ay nagsanib lamang sa tatlong hits at si Jasmin ang umako sa dalawang runs para makasalo ang Bulls sa liderato sa Manila sa 1-0 karta.