Banal nalo sa disqualification; Domingo bigo
MANILA, Philippines - Bukas si Michael Aldeguer ng Ala Promotions sa rematch kay Luis Alberto Perez ng Nicaragua na natalo sa pamamagitan ng disqualification sa laban nila ni AJ Banal.
Itinigil ni referee Silvestre Abainza ang laban sa 1:47 ng ikapitong round nang magpakawala ng suntok si Perez habang pinaghihiwalay ng referee ang dalawang naglalaban sa Waterfront Hotel ballroom sa Cebu City nitong Sabado ng gabi.
Bumulagta si Banal at hirap ng bumangon dala ng malakas na kanan na pinakawalan ng katunggali.
Pero illegal punch ito dahil ginawa ito ni Perez sa puntong nasa gitna si Abainza kaya’t natalo ito sa laban.
May malaking putok sa kaliwang kilay si Banal na dinomina ang unang limang rounds pero nakabawi si Perez sa ikaanim at ilang bahagi sa ikapitong round.
Lamang naman ang 21-anyos na si Banal sa mga huradong sina Salven Lagumbay, Noel Florez at Edward Ligas nang magbigay ang naunang dalawang judges ng 59-55 iskor habang 60-54 naman ang ibinigay ng huli.
Pumasok si Abianza ng kumapit si Banal kay Perez matapos tamaan ng malakas na suntok na tila kanyang ikinahilo.
Bago ang labang ito, si Banal ay number four sa IBF bantamweight division, number two sa WBO, number 4 sa WBA at 13 sa WBC.
Kung nanalo siya ay may plano na sanang ilaban siya sa mas malaking fight.
Pero dahil sa kuwestiyonableng desisyon, kailangan munang maisantabi ang nasabing plano.
Samantala, nabigo naman si Michael Domingo na isa ring alaga ni Aldeguer, sa IBF bantamweight title eliminator laban kay Vusi Malinga nang matalo ito sa pamamagitan ng majority decision na ginanap sa Mafikeng University Hall, Mafikeng, South Africa nito ring Sabado ng gabi.
Duguan dahil sa putok sa ilong, si Domingo ay natalo sa dalawang hurado na sina Miroslav Brazio ng Poland (117-111) at Jaap Van Nieuwenhuizen ng South Africa (115-113) upang mabalewala ang 114-114 iskor ng South African judge Neville Hotz.
Ika-20 panalo ito sa 24 laban ni Malinga.
- Latest
- Trending