MANILA, Philippines - Kumawala ang tunay na paglalaro ng pambansang koponan sa kababaihan sa second half upang kunin ang 59-39 tagumpay sa 5-time champion Malaysia sa pagpapatuloy kahapon ng 7th SEABA Women Championship sa Ninoy Aquino Stadium.
Dominado ng Pilipinas ang kabuuan ng laban dahil hindi nakatikim ng kalamangan ang bisitang koponan ngunit sa huling 20 minutos tuluyang ipinakita ng home team ang bangis ng paglalaro para maisulong sa 2-0 ang kanilang karta sa limang koponan na liga.
“Isa lamang ang sinabi ko sa kanila sa halftime, na kami ay dumepensa. Lumamang kami ng walo sa second period pero nag-relax sila. Sinuwerte rin at pumasok ang mga tira namin,” wika ni coach Haydee Ong.
May tig-15 puntos sina Cassandra Tioseco at Fil-Am Melissa Jacob at ang dalawa ang naghalinhinan upang mapangunahan ang paglayo ng koponan at ipalasap sa Malaysia ang ikalawang sunod na kabiguan sa tatlong asignatura.
Walong puntos ang ibinagsak ni Tioseco sa ikatlong yugto upang pamunuan ang 20-14 bomba at ang 20-18 halftime bentahe ng Pilipinas ay lumobo sa 40-32 papasok sa huling yugto.
Binuksan naman ni Jacob ang labanan sa huling 10 minuto sa pagsalpak ng tatlong sunod na tres para bigyan ang nationals ng 49-32 bentahe.
Isa pang tres ni Merenciana Arayi na naghatid ng 11 puntos, na nasundan ng puntos sa shaded area ni Tioseco ang nagpalawig sa kalamangan ng host team sa 20, 54-34, na tuluyang nagtiyak ng tagumpay.
Pupuntiryahin ng Pilipinas na maging 3-0 ang karta sa Indonesia bago ikasa ang mapanghamong laro laban sa nagdedepensang Thailand sa pagtatapos ng eliminasyon sa Huwebes.
“Pasok na kami sa Finals dahil tinalo rin ng Thailand ang Malaysia. Pero hindi kami dapat maging complacent at dapat ay pumukpok pa sa Indonesia para mapanatili ang momentum bago harapin ang Thailand. Magkakasukatan muna kami sa Huwebes bago ang finals sa Friday,” ani pa ni Ong.
Pakay ng Pilipinas ang kauna-unahang titulo sa SEABA women dahil ang pinakamagandang pagtatapos na naabot ng isang national team sa torneo ay ikalawang puwesto sa 2007 na itinaguyod at pinagharian ng Thailand.
RP 59 –Tioseco 15, Jacob 15, Arayi 11, Pineda 6, Adriano 6, Valencia 2, Grajales 2, Mercado 2, Borja 0.
Malaysia 39 - Pang 17, Kew 7, Wong 5, Teo 3, Chen 3, Yap 2, Yong 2, Saw 0.
Quarterscores: 10-5, 20-18, 40-32, 59-39.