MANILA, Philippines - Nagposte sina Richelieu Salcedo at Christian Nanola ng mga krusyal na panalo upang pagharian ang kani-kanilang dibisyon sa pagtatapos ng Shell National Youth Active Chess Championship grand finals sa SM Megamall Event Center noong Linggo.
Sinorpresa ng No. 5 na si Salcedo, na nagwagi sa Naga City leg ng taunang torneo na itinataguyod ng Pilipinas Shell, si No. 4 McDominique Lagula sa ikaanim na round, tinablahan si second seed Sheider Nebato at pinisak ang dating lider na Jerwell Andoy at Antonio Chavez Jr. para sa kabuuang pitong puntos.
Bumawi si Andoy sa pagkatalo niya kay Salcedo ng pabagsakin niya si Diego Perez para tumabla sa liderato sa pagtatapos ng siyam na round na torneo. Pero nagtala ng mas mataas na tiebreak score si Salcedo upang makuha ang titulo at P30,000 na premyo sa juniors division.
Nabigo din si Nebato na magposte ng pitong puntos ng talunin siya ni Joseph Turqueza sa huling round pero nakuha niya din ang ikatlong pwesto ng talunin niya sina Alfred Rapanot at Turqueza sa tiebreak.
Ang No. 11 na si Nanola naman ay in-upset si No. 7 Felix Balbona sa ika-anim na round, tinablahan si second seed John Batucan at pinataob ang No. 3 na si Paul Evangelista bago puwersahin sa isang draw ang top seed na si Jerad Docena upang maging solo winner ng may pitong puntos sa kiddies division.
Nag-uwi si Nanola, ang pambato ng Laguna College of Business and Arts na pumangatlo lang sa Batangas City elims, ng P20,000 at nahanay sa mga kampeon ng torneo na kinabibilangan ng mga pambato ng bansa ngayon na pinangungunahan ni GM Wesley So.