MANILA, Philippines - Sa 36-year history ng Philippine Basketball Association (PBA), apat lamang ang nagretirong nasa edad 40-anyos pataas. At ito ay sina four-time MVP Ramon Fernandez, Abet Guidaben, Yoyoy Villamin, Terry Saldana at Robert Jaworski, Sr.
Sa kanyang nalalapit na pagdiriwang ng kanyang 40 kaarawan sa Nobyembre 1, posible na ring makasama si San Miguel point guard Olsen Racela sa naturang grupo.
“Nu’ng umpisa, hindi ko akalain na aabot ako ng ganito. Ten years nga lang ang expectations ko. Eh, ang daming magagaling na kasabayan ko,” sabi ni Racela sa kanyang mga kasabayang sina Johnny Abarrientos at Boyet Fernandez noong 1993. “Pero nangyari na lang. Alam naman nating bihira ang PBA player na nakakalaro pa ng ganyang edad.”
Ayon sa produkto ng Ateneo De Manila University, ang kasalukuyang 2010-2011 PBA Conference ang maaaring maging huli niyang torneo.
“This will definitely be my last season,,” sabi ni Racela, magdiriwang ng kanyang ika-40 kaarawan sa All Saints’ Day. “Iyon talaga ang plano. I really wanted to retire at the age of 40. Gusto ko talaga hanggang birthday ko lang.”
Bagamat kaya pa ng kanyang katawan na sumabak sa aksyon, mas pinili ni Racela na pumirma sa San Miguel ng isang three-month contract extension.
“Actually, napag-uusapan pa lang `yun (extension). Hindi ko pa alam `yung length of contract they will offer. Management said it’s up to coach Ato (Agustin). But the idea is really to finish this conference,” sabi ni Racela.
Bilang isang 13-year veteran, siyam na PBA crowns na ang nakuha ng 5-foot-10 guard mula sa iba’t ibang koponan.
Sa kanyang nalalapit na pagreretiro, ang pagiging miyembro ng coaching staff ng San Miguel teams (San Miguel, Ginebra at Derby Ace) sa PBA ang kanyang pinupuntirya.
“Sana nga manalo pa kami ng championship bago ako mag-retire,” ani Racela.