MANILA, Philippines - Gagamitin ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang SEABA Women Championship upang maipakita ang kahandaan ng Pilipinas na tumayong punong abala sa malakihang torneo sa basketball.
Ang Pilipinas ay nagsumite uli ng kanilang bidding sa FIBA Asia para sa bansa gawin ang Men’s Championship sa Agosto.
Tumatanggap uli ang FIBA-Asia sa mga bansang nagnanais na tumayong punong abala sa kompetisyon na qualifying event para sa 2012 London Olympics, matapos bawiin ang desisyon na ang Lebanon na ang siyang host ng torneo.
Mga di magandang karanasan nang gawin sa Lebanon ang Stankovic Cup kamakailan ang nagtulak sa FIBA Asia upang alisin sa Lebanon ang nasabing torneo.
“We have submitted our bid and the FIBA-Asia has acknowledge it. Hopefully, the SEABA Women Championship is just the prelude of bigger international basketball games in the country,” wika ni SBP executive director Noli Eala.
Kung mapapahintulutan, ang men’s championship ang ikalawang malaking hosting ng bansa sa basketball dahil sa Mayo ay gagawin naman sa Pilipinas ang FIBA Asia Champions Cup na katatampukan ng dalawang imports ang mga kalahok.
Pero para sa SBP, mahalaga sa programa ang Men’s Championship dahil kukumpleto ito sa hangarin ng asosasyong pinamumunuan ni Manuel V. Pangilinan na maibalik ang bansa sa Olympics.