Buwenamanong panalo kay Amit sa Women's World 10-Ball Championship

MANILA, Philippines - Sinamantala ng nagdedepensang kampeon na si Rubilen Amit ang krusyal na errors ni Angelina Paglia ng Arizona, USA upang maiuwi ang 6-3 panalo sa pagsisi­mula ng group elimination ng 2010 Yalin Women’s World 10 ball Championship sa Robinson’s Galleria sa Ortigas, Pasig City kahapon.

Ang pagkakamali ni Paglia sa fourth rack nang mahawakan nito ang cue ball ang nagbigay ng 3-1 kalamangan kay Amit habang ang isa pang error sa paggamit ng tiririt sa eight rack ang nagresulta upang mapalawig sa 5-3 ang bentahe ni Amit sa race to six group elimination.

Hindi nga nakita ng referee na si Troy Danao ang pagkakasagi ni Paglia sa cue ball pero naging tapat ang American player ng ibigay kay Amit ang bola at inamin ang error.

Ipagpapatuloy ng Asian Games bound na si Amit ang kampanya ngayon sa Nuvo City sa Eastwood laban kina Filipina qualifier Ana Tulauan at Johanna Espinosa ng Venezuela.

Ang 48 manlalarong nagpatala sa torneong sinahugan ng $70,000 ay hinati sa walong grupo at ang ma­ngungunang tatlong manlalaro sa dalawang araw na group elimination ang aabante sa knockout round.

Ang 13-anyos na si Gillian Go na noong nakaraang taon ay nakapasok sa knockout phase ay minalas naman na natalo sa kanyang dalawang laro.

Pinakabatang manlalaro sa torneo, si Go ay yumu­kod sa dalawang Canadian players na sina Joanne Ashton, 6-3, at Tiffany Bryant, 6-2. Ang number one player sa kababaihan na si Allison Fisher ng England ay nanalo kay Mirjana Grujicic ng Venezuela, 6-2.                  

Show comments