Thais nagparamdam agad, hiniya ang Malaysia
MANILA, Philippines - Ipinaramdam agad ng nagdedepensang Thailand ang kanilang puwersa nang pabagsakin ang Malaysia, 78-64, sa pagpapatuloy ng 7th SEABA Women Championship kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.
Ginamit ng Thais ang unang yugto bilang kanilang warm up bago tuluyang inilabas ang bangis ng paglalaro sa second period tungo sa paghagip sa unang panalo sa limang koponang liga.
Nilimitahan ng depensa ng Thais ang Malaysia, na unang dinurog ang Indonesia, 84-60, sa walong puntos sa second period para ang 17-21 paghahabol sa first period ay naging 39-29 bentahe sa halftime.
Tuluyang nabaon ang Malaysia nang kumunekta ng pitong tres sa 11 bulso sa second half and nagdedepensang kampeon para maibaba sa 1-1 ang kanilang karta.
Pinanood ng Pambansang koponan ang nasabing laro at napahanga si coach Haydee Ong sa lakas ng nagdedepensang kampeon.
“Kumpleto sila mula sa point guard hanggang sa sentro. Pero pag-iisipan namin sila kapag sila na ang makakaharap namin. Sa ngayon ay focus kami sa game against Malaysia bukas,” wika pa ni Ong na unang dinurog ang Singapore, 101-34.
Sa nakita ni Ong, kayang talunin ng women’s national team ang Malaysia dahil hindi malalim ang bench ng mga ito.
Kung manalo sa Malaysia, halos maisusulong na nila ang paa sa finals dahil lalasapin ng katunggali ang ikalawang kabiguan sa single round elimination format ng torneo.
- Latest
- Trending