MANILA, Philippines – Naniniwala ang opisyal ng nagdedepensang Thailand na magiging 3-way fight ang tagisan para sa 7th Southeast Asian Basketball Association women’s championship na bubuksan ngayon sa Ninoy Aquino Stadium.
“All teams here should be well prepared. But past records show Malaysia as a tough team while last edition it was Philippines,” wika ni Thongchai Vatanasakdakul na team manager ng Thailand.
Ipaparada ng Thais ang koponang ilalaban sa Asian Games sa Guangzhou China upang maipakita ang pagiging seryoso para madomina ang torneo sa ikalawang sunod na taon.
“Ang motibasyon ng team ay maipanalo ang SEABA upang mailagay ang RP women’s basketball sa world map. Naniniwala akong maganda ang tsansa nating manalo,” wika naman ni team manager Cynthia Tiu.
Ang lakas ng koponang hawak ni coach Haydee Ong ay makikilatis sa pagharap nila sa Singapore sa alas-3:45 ng hapon na sagupaan.
Unang laro ay sa pagitan ng 5-time champion na Malaysia laban sa Indonesia ganap na ala-1 ng hapon at matapos ito ay isasagawa ang opening ceremony.
Mangunguna sa koponan sina Joan Grajales, Sylvia Marie Valencia, Merenciana Arayi, Cassey Tioseco at Melissa Jacob na kabilang sa koponang tumapos sa ikalawang puwesto sa Thailand noong 2007.
Pinalakas pa ang koponan sa paghugot sa isa pang Fil-Am na si Anna Katrina Pineda
Ang Thais naman ay sasalang bukas laban sa Malaysia.