MANILA, Philippines - Hindi natapatan ni Uzbekistan netter Sergey Shipalov ang init ng paglalaro ni Filipino ace Jeson Patrombon upang maisuko ang 3-6, 6-3,6-7 (9-11) kabiguan sa Koreanong sina Lee Jea-moon at Woo Chang-kyo sa doubles match ng World Super Cup Juniors Championships sa Osaka, Japan.
Sa pagtitiyaga ni Patrombon ay nahawakan ng fourth seeds and triple match point sa super tie break na 9-6.
Pero bumigay si Shipalov nang magtala ng mga errors upang makahulagpos ang inaasahang tagumpay sa quarterfinals.
Dahil nangatog, si Shipalov ang siyang inatake nina Lee at Woo at ang kanyang sablay na volley ang nagbigay sa ikalimang sunod na puntos ng mga Korean upang maselyuhan ang tagumpay.
“I simply could not understand what happened to Jeson’s partner. Shipalov was choking big time and so badly the Koreans sensed it and started attacking him,” wika ni coach Manny Tecson.
Hangad sana ni Patrombon na mahigitan ang pinakamagandang naabot sa Grade A tournament na quarterfinals kung nanalo sila.
Sa pangyayari, tuluyang nagtapos ang kampanya ng 30th ranked ng ITF sa torneo pero may pakonsuwelo si Patrombon nang nakalikom ng 30 puntos sa singles at 25 naman sa doubles na makakatulong upang maitaas pa ang kanyang kasalukuyang rankings.
Sunod na lalaruan ni Patrombon ay ang LTAT International Junior Championships na itinakda mula Oktubre 25 hanggang 30 sa Nonthaburi, Thailand.
Ang kompetisyong ito ay isang Grade 2 event at inaasahang palaban sa titulo ang 17-anyos tubong Iligan City dahil siya ang top seed ng torneo.
Kung mapaghaharian, ito ang lalabas na ikalawang panalo ni Patrombon sa taong ito matapos mapagharian ang Xiamen Grade 2 noong nakaraang Setyembre.