Reyes, Bustamante umusad sa susunod na round sa us Open 9-ball
MANILA, Philippines - Pinaigiting pa nina Filipino billiards great Efren “Bata” Reyes at Francisco “Django” Bustamante ang kanilang kampanya para umabante sa fifth round ng 35th Annual US Open 9-Ball Championship sa Chesapeake Conference Center sa Virginia.
Tinalo ng dating world 9-ball at 8-ball champion na si Reyes si Marc Vidal ng USA, 11-7, habang iginupo naman ni Bustamante, ang reigning world 9-ball champion, si Manny Chau ng Peru, 11-6.
Ito ang pang apat na sunod na panalo ng magkumpareng sina Reyes at Bustamante sa double-round elimination format na may premyong $40,000 sa magkakampeon.
Makakasagupa ng Angeles City, Pampanga native na si Reyes sa fifth round si 2008 World Ten Ball Champion Darren Appleton ng Great Britain na tumalo kay Jayson Shaw ng USA, 11-6.
Tatapatan naman ng Tarlac City ace na si Bustamante si David Alcaide ng Spain na namayani kay Stan Tourangeau ng Canada, 11-5.
Makakasabayan ni Warren “Warrior” Kiamco si Corey Deuel ng USA.
Sa loser’s side, nagtala ng poanalo si Ramil “Bebeng” Gallego matapos gibain si Raj Hundal ng United Kingdom, 11-9, matapos biguin sina Hunter Lombardo, 11-3, at Mike Dechaine ng USA, 11-6.
Nanalo rin si ex-world 9-ball at 9-ball ruler Ronato “Volcano” Alcano kontra kay Ricky Yang ng Indonesia, 11-10, makaraang talunin sina John Pinegar, 11-4, at Paul Song ng Vietnam, 11-5.
Tuluyan namang nasibak si 2004 World 9-ball kingpin Alex “The Lion” Pagulayan nang yumukod kay Jeremy Sossei ng USA, 11-9, kagaya ni Antonio “Nickoy” Lining na natalo kay Dan Heidrich ng USA, 11-7.
Nabigo rin si reigning world pool masters winner Dennis “Robocop” Orcollo kay Beau Runningen ng USA, 11-10, habang magkasunod na pinatalsik ni Tommy Tokoph sina Jose “Amang” Parica, 11-9, at Lee Vann “The Slayer” Corteza, 11-8, ayon sa pagkakasunod, at maging si Edwin Montal kontra kay Chris Szuter ng USA, 11-5.
- Latest
- Trending