MANILA, Philippines - Hindi magiging madali ang hangaring mapalawig ang pagdodomina sa PCA Open nina Johnny Arcilla at Czarina Mae Arevalo.
Hanap ni Arcilla ang ikalimang sunod na titulo habang ikalawang sunod at ikalima rin sa kabuuan ang pakay ni Arevalo sa Open na 29th edisyon ng kompetisyong itinataguyod ng Philippine Columbian Association at suportado ng Cebuana Lhuillier.
Mangunguna sa pipigil sa kanila ang mga pumangalawa sa nagdaang edisyon na sina Fil-Spanish Mark Reyes at Christine Patrimonio na kapwa nagpahayag ng kahandaang masungkit na ang titulo sa pagdalo sa paglulunsad ng torneo kahapon.
“Nanalo ako ng dalawang tournament sa Spain matapos ang 2009 PCA. Mula June ay naririto na ako at nagsasanay na. Hopefully ay makuha ko ito,” wika ni Reyes.
Hindi naman naging aktibo si Patrimonio sa paglalahok pero sa pagsasanay niya binuhos ang oras.
“Iba-iba ang nangyayari bawat taon. Pero mabigat ang laban ngayon pero sana manalo. Naghahanda rin kami ni Charice (Patrimonio) para sa doubles dahil kami ang magka-partner ngayon,” wika pa ng anak ni dating basketball superstar Alvin Patrimonio.
Nanguna sa mga dumalo ang PCA president Dodie Caniza, Cebuana Lhuillier owner at tennis patron Jean Henri Lhuillier at Philta president Julito Villanueva na pawang kinilala ang PCA bilang isa sa mahalagang programa sa Philippine tennis.
Ang PCA ay binabalot ngayon ng problema sa empleyado na nagwewelga sa labas ng pasilidad.
“We are determined to push through with it and we are expecting another exciting tournament this year,” kumpiyansang pahayag ni Caniza.Ngunit tiniyak ni Czarina na hindi nito mapipigil ang matagumpay na pagdaraos ng PCA Tennis Championships na isa ng institusyon sa Philippine tennis.
Maliban sa Open ay idaraos din ang amateur executive team tennis, juniors, mens at women’s team tennis, intercollege team tennis at pro-am doubles.