Bustamante, Reyes 'di maawat sa pananalasa sa US Open 9-Ball
MANILA, Philippines - Ipinoste nina reigning world 9-Ball champion Francisco “Django” Bustamante at dating world 9-ball at 8-ball champion Efren “Bata” Reyes ang kanilang pangatlong sunod na panalo sa 35th Annual US Open 9-Ball Championship sa Chesapeake Conference Center sa Virginia, USA.
Tinalo ng pambato ng Tarlac City na si Bustamante si Oscar Dominguez ng Mexico, 11-6, habang binigo naman ng kamador ng Angeles City, Pampanga na si Reyes si Tomoo Takano ng Japan, 11-2.
Makakatapat ni Bustamante si Manny Chau ng Peru, nakalusot kay Ramil “Bebeng” Gallego, 11-10, sa fourth round at makakaharap naman ni Reyes si Marc Vidal ng USA, nanalo kay countryman Jeremy Sossei, 11-10.
Nabigo naman sina dating world 9-ball at 8-ball champion Ronato “Volcano” Alcano, Jose “Amang” Parica at Lee Vann “The Slayer” Corteza nang mabigo kina 2008 World Ten Ball champion Darren Appleton ng Great Britain, 7-11, 2007 world 9-ball ruler Daryl Peach ng England, 6-11, at 2003 world 9-ball ruler Thorsten Hohmann ng Germany, 7-11, ayon sa pagkakasunod.
Kinakailangan manalo nina Alcano, Parica at Corteza sa mga nalalabing laro sa loser’s brackets para makausad sa double elimination event.
- Latest
- Trending