Walang dapat ikabahala!
MANILA, Philippines - Kung ang matalik na kaibigan ang siyang tatanungin, hindi dapat mabahala ang mga tumatangkilik kay Manny Pacquiao sa kanyang pagharap kay Antonio Margarito sa Nobyembre 13 sa Cowboy’s Stadium sa Arlington, Texas.
Ayon kay Buboy Fernandez, kumbinsido siyang babalik ang bilis ni Pacquiao bago pa ang takdang laban nila ni Margarito para sa bakanteng WBC junior middleweight title.
“Wala silang dapat na ipag-alala. Makukuha sa training ang bilis ni Manny at bago pa ang laban ay nakuha na niya ito,” wika ni Fernandez.
Maging ang pangambang mahihirapan ang Pambansang kamao sa malaking agwat ng height nila ni Margarito ay hindi rin problema.
Si Margarito ay may taas na 5’11 o halos limang pulgadang agwat kay Pacquiao.
“Mas maganda para kay Manny ang malaki ang kalaban. Minsan kasi ay nakabukas siya. Kung maliit ang kalaban ay mas delikadong matamaan siya pero kung mas malaki ang kalaban, hindi ito magiging bentahe sa kanya,” paliwanag pa ni Fernandez.
Mismong si Pacquiao ay nagsantabi sa mga pangambang nararamdaman ng ilan kahit aminadong hindi pa abot ang pinakarurok sa ginagawang pagsasanay.
Nakatatak kasi sa kanyang isipan ang katotohanang lahat ng makakalaban ay gusto siyang talunin kung kaya’t ito ang hindi niya pahihintulutan mapahirapan man siya sa ginagawang pagsasanay.
“Dahil ako ang tinaguriang pound for pound best na boksingero, alam kong lahat ng makakalaban ko ay gusto akong talunin. Hindi ko hahayaan at bibigyan ng pagkakataon ang mga kalaban upang makuha ang titulong iyan mula sa atin,” wika pa ni Pacquiao.
Masinsinan na ang ginagawang paghahanda ni Pacquiao at sa plano nga ni Roach ay bubunuin nito ang 60 rounds ng sparring sa linggong ito at sa susunod na linggo bago magsimula silang pababain ang training load ni Pacman.
Pakay ng pambato ng bansa na Kongresista rin ng Sarangani Province, na masungkit ang ikawalong titulo sa magkakaibang dibisyon na kung magagawa ay seselyo pa sa kanyang pagiging pinakamahusay na boksingero sa mundo.
Inaasahang nasa Manila na ang Team Pacquiao at ipagpapatuloy ang pagsasanay hanggang bukas at kinagabihan ay tutulak na sila ng Los Angeles para dito wakasan ang paghahanda.
- Latest
- Trending