Rivera nakaungos na sa mga kalaban

TOULON, France - Gumawa ng mainit na pani­mula si dating World Masters champion Engelbert ‘Biboy’ Rivera ng Philippines sa men’s qualifying round ng QuibicaAMF Bowling World Cup sa pagrolyo ng five-game series na 1,181 puntos sa Bowling de Provence dito nitong Lunes.

“I don’t bow well in practice and gambled on a different game plan when we started. I bowled a little straighter and that gave me more room for error, plus I got good carry. I’m very pleased with the way I played today but there is still a long way to go,” wika ni Rivera.

Sumandig ang Pinoy bowler sa kanyang mga laro na 191, 279, 245, 207 at 259 upang ungusan sina Kwan Harn-Chieh ng Switzerland na may 1,159, 1988 World Cup winner Mohammad Al-Qubaisi ng UAE (1,145), Alejandro Reyna ng Costa Rica (1,107) at William Ching ng Venezuela (1,107).

Pumuwesto naman si Apple Posadas, ang pam­bato ng Philippines sa women’s division ng 17th place matapos ang unang araw na tagisan sa kanyang inilistang 1,007 para sa average 201.40 pins.

Bumandera si Malay­sia’s Windy Chai sa kanyang pinagulong na 1,126 (225.20 average) na sinundan nina Korea’s Gye Min-young (1.114) Holly Fleming ng Scotland (1,090) at Dominican Republic’s Aumi Guerra (1,039).

May kabuuang 92 bansa ang lumahok ngayong taong tournament.

Show comments