MANILA, Philippines - Maski ang short distance fun run ay hindi pinaligtas ng mga Kenyan matapos walisin ang 10k races sa Blue Water Day Spa fun run sa SM Mall of Asia nitong Linggo.
Nagtala si Philip Kipkemei Ronoh ng bilis na 0:33:28 clocking para dominahin ang male division sa nasabing three-category race na ihatid ng Blue Water Day Spa.
Sumegunda naman si Regie Lumauag sa kanyang oras na 0:36:58 kasunod ang 0:38:12 ni Warlito dela Cruz ng Phil. Coast Guard.
Pinagreynahan naman ni Irine Jeptoo Kipchumba ang ladies side sa kanyang bilis na 0:39:20 kasunod sina Nhea Ann Barcena (0:40:34) at Anna Vargas ng PCG (0:47:49).
Sina Ronoh, naghari sa 10k run sa 2008 Clark International Marathon, at Kipchumba, isang veteran internationalist, ay tumanggap ng tig-P5,000.
Inangkin naman ni Justin Tabunda ng San Sebastian College ang men’s 5k sa kanyang oras na 0:15:58 kasunod sina Roger Denolo ng UST at Carlito Fantilaga na naglista ng 0:16:23 at 0:16:34, ayon sa pagkakasunod.
Pinamahalaan ni Josie Malacad ng SSC ang 5k run ng ladies side sa tiyempong 0:21:37 sa itasas nina Julia Abiera ng UST (0:23:44) at Heleisha Lavina (0:25:16).