Nakakailang laro pa lamang ang 2010-11 PBA season makaraang magsimula ito ilang linggo pa lamang ang nakakaraan. Pero ngayon pa lamang ay binabati na natin ang masipag na PBA Commissioner na si Chito Salud sa kanyang mga inobasyon.
Higit nating napansin na sumigla ang mga laro dahil marahil sa pagbabago sa officiating. Mas tumindi ang mga laban na gusto ng mga fans. Mas maluwag kasi ang mga referees ngayon dahil sa binigyang laya na maipakita ng mga player ang kanilang tunay na laro.
Bago magsimula ang PBA ay nagkaroon ng heart-to-heart talk itong si Salud sa mga players, managers at maging sa ilang mga owners ng mga ballclubs sa PBA tungkol na rin sa bagong officiating. Iniisip rin siyempre ni Commissioner na baka nga naman dahil sa biglang pagluwag ng rules ng PBA ay dumanak ang dugo sa court.
Pero, naniniwala si Salud na mananaig ang sportsmanship at professionalism ng mga manlalaro maging ng mga officials ng team at liga. Nasa prayoridad pa rin ng PBA na maging huwaran ito ng positive values kasabay ng pagpapa-excite sa mga laro.
Natural na may ilang mga kritiko ang mga bagong inobasyon ni Salud. Tulad nang nauna nating isinulat, kinakailangan pa rin nating subukin kung ano ang magiging resulta. Sabi nga “panahon na ng pagbabago.” Hindi maaaring mabuhay ang isang organisasyon kung hindi ito magkakaroon ng mga pagbabago.
Bukod kay Commissioner, ang buong staff ng PBA ay excited din sa mga pagbabagong magaganap pa.
Inaasahan natin na sa mga pagbabago at inobasyon na iimplementa ni Salud ay mababalik ang “glory days” ng PBA.
***
Kung mayroon man na maaaring makapalit kay Manny Pacquiao sa trono bilang pinakamahusay na Pilipino na boksingero, ito ay si Nonito “The Flash” Donaire. Magbabalik siya mula sa ring at lalaban para sa interim. Hindi naman kaila sa lahat na sa galing at tapang ay magkapantay sina Donaire at Pacquiao. Kung sa popularidad ay hindi rin naman patatalo itong si Domaire na umukit na rin ng kasaysayan sa Philippine boxing. Ang galing at tapang na ito ni Donaire ay siguradong masusubukan bago tumiklop ang taon
Lalaban si Donaire kay former world champion Wladimir Sidorenko mula sa Ukraine sa Disyembre 4 sa Anaheim, California.
Maglalaban sila sa interim super bantamweight title sa undercard ng Julio Cesar Chavez, Jr. vs Alfonso Gomez fight. Ngayon pa lamang ay ayaw nang pakasiguro ni Donaire na puspusan ang paghahanda laban sa former world champion at Olympian na si Sidorenko.
“He has what it takes to become world champion because he is a world champion, and there shouldn’t be criticism about how I beat this guy, or how the fight is going to go because this is a world champion you’re looking at. This is a challenge I’ve been wanting,” sabi ni Donaire.
Pero para sa atin, kinakailangan ni Donaire na ipamalas ang kanyang husay kung nais niya na umangat ng ranggo at makuha ang tatlong world title sa tatlong weight divisions.
Sa paghahandang gagawin ni Donaire, suportado siya ng buong Pilipinas.