Hobe mas tumatag sa pagkapit sa solong liderato
MANILA, Philippines - Sumandig ang Hobe Bihon sa tandem nina ex-pro Billy Moody at Jeffrey Sanders upang itakas ang makapigil-hiningang 102-100 overtime win kontra sa matikas ding Royale Business Club at mapanatiling hawak ang solong liderato sa 2010 MBL Invitational basketball championship na sinaksihan ng malaking bilang ng manonood sa RTU gym sa Mandaluyong.
Umiskor si Moody, lumaro sa San Miguel Beer sa PBA, ng apat na dikit laban sa mala-lintang depensang inilatag ng Royale sa final na minuto ng sagupan at iposte ang panalo para sa Hobe.
Sinelyuhan ni Moody ang panalo ng koponan ni coach Junnel Mendiola at manager Bobby Co sa kanyang huling puntos para itarak ang ikaapat na dikit na panalo sa nine-team tournament na ito na hatid ng Smart Communications, Dickies Underwear and PRC Managerial Services.
Isinalpak naman ni Sanders ang lahat ng kanyang limang puntos sa extra period, kabilang ang mahirap na three-point play kung saan nag-rally ang Hobe mula sa 92-96 deficit sa overtime at sikwatin ang kanilang panalo sa pagbagsak ng 10-4 run.
Nagkaroon sana ng tsansa ang Royale na maipanalo ang laro sa overtime, subalit sumablay ang desperadong tres ni Leemore Boliver mula sa right corner may 3 segundo na lamang sa tikada.
Samantala, binanderahan naman ni dating Philippine Christian University standout Leimar Navarro ang lahat ng scorers ng Hobe sa kanyang tinapyas na 29 puntos. Tumapos si Moody ng 17 puntos.
Hobe Bihon 102--Navarro 29, Moody 17, David 9, Dela Cuesta 9, Lim 8, Amir 8, Bautista 7, Marquez 6, Sanders 5, Cunanan 0.
Royale BC 100 -- Boliver 24, Bandaying 23, Eguilos 15, Dedicatoria 13, Santos 8, Alastre 6, Bernabe 5, Barret 4, Avendano 2, Arquero 0
Quarterscores 16-24, 40-50, 67-68, 90-90, 102-100.
- Latest
- Trending