MANILA, Philippines - Balewala kay trainer Freddie Roach kung umakyat man sa ring si Antonio Margarito na may timbang na 200 lbs.
Sinabi ni Roach na patuloy na gagawin ni Manny Paquiao ang kanilang ‘winning formula’ para hindi umabot sa bigat na 150.
Ayon pa kay Roach, hindi na mahalaga kung apat na pulgada man ang agwat ni Pacquiao sa 5-foot-11 na si Margarito pati na sa reach at weight basta taglay pa rin ni “Pacman” ang bilis nito.
“Again, he’s (Margarito) bigger but size don’t win fights. Skill does,” wika ni Roach, nasa kanilang pang apat na linggo sa training camp sa Baguio City.
Inaasahan rin ng American boxing guru na titimbang si Pacquiao ng 149 sa gabi ng kanilang laban ni Margarito sa Nobyembre 13 sa Cowboys Stadium sa Arlington, Texas.
“That’s what we’re going to do--weigh in and climb the ring at almost the same weight. Manny’s not going in there heavier that 150 because it might slow him down a bit,” wika ni Roach.
Napatunayan na ni Roach na nananalo si Pacquiao sa kanyang fighting weight na 150 laban kina Ricky Hatton, Oscar dela Hoya, Miguel Cotto at Joshua Clottey.
Maglalaban sina Pacquiao at Margarito para sa bakanteng WBC super-welterweight (154 pounds) crown sa catchweight na 151 pounds.
Kailangang makapasa si Margarito sa official weigh-in bago siya lumobo sa 160 para sa gabi ng laban.
“I don’t care,” ani Roach.
Kung magiging mabigat si Margarito sa gabi ng kanilang laban ni Pacquiao, mas masisiyahan si Roach.
Anim na beses sa isang araw kumakain si Pacquiao ng mga paborito niyang tinolang manok, ampalaya, chicken adobo, bulalo at kanin.
Tiwala si Roach na mapapabagsak ni Pacquiao si Margarito sa seven o eight rounds.
“I’d be disappointed if we don’t,” dagdag ni Roach.