Korona sasakmalin na ng Red Lions
MANILA, Philippines - Itala ang koponan bilang pinakamahusay na team sa kapanahunang ito ang sisikaping gawin ng San Beda sa pagharap uli sa San Sebastian sa pagpapatuloy ng 86th NCAA basketball finals sa Araneta Coliseum.
Kailangan na lamang ng Lions na manalo sa Stags sa kanilang alas-4 ng hapon na tunggalian para tuluyang mabawi ang titulo at makumpleto ang 18-0 sweep na unang pagkakataon na mangyayari sa liga.
Ang huling koponan na nakagawa ng sweep ay ang San Sebastian noong 1996 pero hindi pa kasing-dami ng koponan ang kasali noon.
“We’re looking at closing out the series this Friday,” wika ni Lions coach Frankie Lim.
Patok ang Lions matapos ang kagila-gilalas na 93-73 panalo sa unang tagisan nitong Miyerkules sa larong nagtabla pa sa 58-all bago tuluyang kumawala sa kuko ng Stags.
Sina Borgie Hermida, Sudan Daniel, Garvo Lanete at Rome dela Rosa ang mga kumana nang husto at siya ring sasandalan para makumpleto ang dominanteng taon para sa Bedan community.
“We will be putting all our efforts and focus for Friday’s game,” dagdag pa ni Lim.
Hindi naman isinasara ni Stags coach Renato Agustin ang pintuan sa posibleng pagbalik ng kanyang koponan.
Upang mapanatili ang hawak sa titulo, dapat na manalo ng tatlong sunod na laro ang Stags sa Lions.
“Kailangan pa nila ng isang panalo at hanggang hindi pa ito nangyayari ay may tsansa pa kami,” wika ni Agustin.
Sina Calvin Abueva, John Raymundo at Ronald Pascual ay nagsanib sa kabuuang 49 puntos pero ang ibang inaasahan tulad ni 6’6 Ian Sangalang ay hindi nakaporma nang malimitahan lamang sa apat na puntos.
“Kailangang tumulong ang second unit namin kung gusto pa naming mapanatili ang korona,” dagdag ni Agustin.
Bago ito ay sisikapin din ng Red Cubs na maibigay sa Mendiola based- school ang titulo sa juniors sa pagharap sa Staglets sa ganap na alas-2 ng hapon.
- Latest
- Trending