Antonio ibinalik ng NCFP sa RP team, sama na sa Asiad
MANILA, Philippines - Ibinalik ng National Chess Federation Philippines (NCFP) si grandmaster Rogelio Antonio Jr. sa national men’s team na lalaro sa 16th Asian Games sa Guangzhou China mula Nobyembre 12 hanggang 27.
Ayon kay NCFP executive director Willlie Abalos, ibinalik ng NCFP sa pamumuno ni Prospero Pichay ang number two player ng bansa sa Asian Games matapos itong manalo sa PACE Open sa Tuguegarao at ang paghingi ng paumanhin ng magdesisyon na maglaro sa US sa halip na sumali sa Pichay Cup o 1st Florencio Campomanes Memorial Cup.
“Naipakita niya ang kanyang husay sa Tuguegarao at humingi rin siya ng paumanhin sa kanyang aksyon ng nagkaharap sila ni President Pichay,” wika ni Abalos.
Inabisuhan na nila ang POC sa ginawang pagpasok uli ni Antonio upang halinhinan si IM Richard Bitoon.
Isa rin sa ikinonsidera ng NCFP ay ang di magandang ipinakita ng koponan sa World Chess Olympiad na ginawa sa Khaty-Mansiysk sa Russia mula Setyembre 19 hanggang Oktubre 4.
Bagamat seeded 37th, ang koponan na umasinta sa top 20 pagtatapos ay nalaglag sa 50th place.
Kay Bitoon nalaglag ang pangarap ng koponan ng hindi niya napangatawanan ang winning position at natalo pa kay Aleksander Volodin para lasapin ng Pilipinas ang 1.5-2.5 pagyuko sa Estonia sa ika-11 at huling round.
Balik sa board 2 si Antonio habang ang ibang board assignments ay sina Wesley So sa board 1, John Paul Gomez sa board 3 at Darwin Laylo sa board 4. Reserve si Eugene Torre.
Team at individual events sa kalalakihan at kababaihan ang paglalabanan sa Asian Games at naniniwala ang NCFP na makakasungkit ng ginto ang men’s team na isang all-GM team.
Hindi pa naman tiyak kung ipadadala rin ang women’s team dahil sa plano ng POC na ipadala lamang ang mga koponang kayang magmedalya.
- Latest
- Trending