MANILA, Philippines - Pinayuko ng two-time Inter-Scholastica Athletic Association (ISAA) champion Lyceum of the Philippines ang defending champion Wang’s Ballclub, 97-91, habang hiniya ng Star Group Publications ang Philippine Air Force, 86-76 upang palakasin ang kani-kanilang tsansa sa 2010 MBL Invitational basketball championship sa Lyceum gym sa Intramuros, Manila kamakalawa ng gabi.
Nagsanib ng puwersa sina Reggie Rimando, Joseph Abaya at Mark Fampulme sa opensa sa mga krusyal na bahagi ng labanan at napigilan ng Pirates ang ilang ulit na tangkang pagbangon ng Wang’s Ballclub at itakas ang kanilang ikatlong dikit na panalo matapos ang kabiguan sa opening day sa mga kamay ng Manuel Luis Quezon University sa nine-team tournament na suportado ng Smart Communications, Dickies Underwear at PRC Managerial Services.
Tumapos si Rimando, nahirang ngayong taon na ISAA Most Valuable Player (MVP) ng game-high 21 puntos para sa Bonnie Tan-mentored Pirates, na iniligwak ang 19-puntos na kalamangan sa opening period, ngunit agad ding nakabalik upang idiskaril ang Wang’s na bumagsak sa 3-2 win-loss slate.
Sa kabilang dako, nakabalik ang Starmen nina coach Rene Recto at manager Mike Maneze mula sa mahinang panimula kung saan sumandig sa matitikas na performance nina Jong Bondoc, Lester Reyes, Ver Roque at Dennis Rodriguez upang tabunan ang Airmen at ilista ang kanilang ikatlong panalo matapos ang limang laro.
Bumandera si Bondoc sa kanyang ipinosteng 20 puntos, habang nagsumite naman sina Reyes ng 17 puntos at tig-14 puntos naman si Rodriguez at Roque para sa Intramuros-based Newspapermen.
Bukod sa mga nabanggit, nakakuha rin ng malaking suporta si Recto kina Art Dimas, Gio Coquilla, Bong Martinez, Waynne Tabang at Cris Corbin na gumana naman sa depensa na siyang naging sakit ng ulo ng Airmen na lalong nagbaon sa kanila sa ilalim ng standing.
Nanguna naman sa Airmen si Paulino Fernandez ng 13 puntos at kumana sina Jaymark Taneza ng 11 puntos at Ryan Tongio na may 10 puntos naman.
Star Group 86--Bondoc 21, Reyes 17, Rodriguez 14, Roque 14, Dimas 12, Coquilla 3, Martinez 2, Corbin 2, Tabang 2, Ortega 0, Bartolome 0, Geocada 0, Sangalang 0.
Air Force 76--Fernandez 13, Taneza 11, Tongio 10, Idanan 9, Zuniga 8, Pagsolingan 8, Hernandez 7, Duenas 7, Javier 2, Torres 2, Araneta.
Quarterscores: 21-28, 42-43, 64-60, 86-76.