MANILA, Philippines - Bagamat inaprubahan ng Kongreso at Senado ang pagbibigay ng Filipino citizenship kay American import Marcus Douthit, hindi naman ito kinatigan ng Malacañang.
Sinabi kahapon ni Sen. Juan Miguel Zubiri na hindi binigyan ng importansya ng Malacañang ang bill na nag-aapruba sa naturalization ng 6-foot-11 na si Douthit na siyang ibabandera ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) sa 16th Asian Games sa Guangzhou, China sa November.
Nauna nang inaprubahan ng House of Representatives at ng Senate ang naturalization ni Douthit sa hangaring mapalakas ang tsansa ng Smart Gilas ng SBP sa 2010 Guangzhou Asiad.
“We passed this for pride and glory. We in the Senate have done our job but they didn’t want to certify their first bill as one of naturalization,” ani Zubiri sa Malacanang.
Noong Martes ay ipinasa ng Senado sa second reading ang Senate Bill No. 2559 na nagbibigay kay Douhit ng Filipino citizenship isang linggo matapos maaprubahan ang House Bill No. 2559 sa Kongreso.
Para sa pagkakapasa ng naturang batas, kailangan lamang gawin ng Palasyo ay ang paglalagay rito bilang isang ‘urgent bill’.
Bunga nito, sa Nov. 8 pa muling matatalakay sa Senado ang naturalization ni Douhit, habang sa Nov. 12-27 naman nakatakda ang quadrennial meet.