Air21 giba sa tres ni Chan

MANILA, Philippines - Masyado silang nag-alala sa penetration play ni Sol Mercado at nakalimutan nila ang isang matinik na outside shooter na kagaya ni Jeff Chan.

Mula sa kickout pass ni Mercado, isinalpak ni Chan ang isang buzzer-beating three-point shot upang itakas ang Rain or Shine sa determinadong Air21, 89-86, sa 2010-2011 PBA Philippine Cup kagabi sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

May 1-1 rekord ngayon ang Elasto Painters kagaya ng Meralco Bolts, Ginebra Gin Kings, Barako Bull Ener­gy Boosters, San Miguel Beermen at Po­werade Tigers sa ilalim ng Talk ‘N Text Tropang Texters (2-0) at Alaska Aces (1-0) kasunod ang nagdedepensang Derby Ace Llamados at Express (0-2).

Matapos itabla ni Ro­n­jay Buenafe ang Air21 sa 86-86 mula sa kanyang dalawang freethrows ga­ling sa foul ni Doug Kramer sa huling 5.4 segundo, tumawag ng time­out si coach Caloy Garcia para sa Rain or Shine.

Mula sa inbound lumusot si Meracdo sa depensa nina Wynne Arboleda, JR Quiñahan at No. 1 overall pick Nonoy Baclao para ipasa ang bola sa libreng si Chan na ikinonekta ang naturang buzzer-beating 3-pointer.

Tumapos ang 6-foot-2 na si Chan na may 19 points, 13 rito ay kanyang hinugot sa first half, at 6 rebounds kasunod ang 14 marka ni Mercado, 13 ni Gabe Norwood at 12 ni Jay-R Reyes.

Nauna rito, ipinoste muna ng Elasto Painters ang isang 15-point lead, 55-40, sa 11:19 ng third period buhat sa 50-40 lamang sa halftime mula sa tres ni Chan at dalawang freethrows ni Kramer.

Isang mahabang 17-3 atake ang ginawa ng Express sa pagbibida nina No. 2 overall pick Rabeh Al-Hussaini, Buenafe at Arboleda upang ilapit ang laro sa 57-58 sa 6:01 nito patungo sa 78-71 pag-iwan sa Elasto Painters sa 10:04 ng fourth quarter.

Rain or Shine 89 - Chan 19, Mercado 14, Norwood 13, Reyes 12, Rodriguez 7, Cruz 5, Kramer 5, Bugia 4, Vanlandingham 3, Jazul 3, Tang 2, Arana 2, Ibanes 0.

Air 21 86 - Buenafe 25, Al-Hussaini 19, Arboleda 10, Matias 9, Najorda 8, Sharma 5, Baclao 4, Gonzales 4, Urbiztondo 2, Guevarra 0, Arellano 0, Rodriguez 0.

Quarterscores: 26-21, 50-40, 71-74, 89-86.

Show comments