Smart Gilas 'di na itutuloy ang tune-up games sa China, Korea
MANILA, Philippines - Hindi na itutuloy ng Gilas national team ang naunang plano na magsagawa ng tune-up games sa China o South Korea.
Ayon kay team manager Frankie Lim, mas minabuti ng koponang hawak ni Serbian coach Rajko Toroman na sa bansa na lamang gugulin ang paghahanda para sa paglahok sa 16th Asian Games sa Guangzhou, China.
“We will confine the training here and we will try to look for teams for possible tune-ups,” wika ni Lim.
Mas mabuti na huwag na lamang umalis ng bansa dahil na rin sa katotohanang malaki ang posibilidad na hindi rin nila maisasama ang mga kinuhang manlalaro sa PBA na sina Paul Asi Taulava, Solomon Mercado at Kelly Williams dahil sa nagsimula na ang laro sa Philippine Cup.
Malakas ang koponang ito pagtitiyak ni Lim dahil de-kalidad sina Taulava, Williams at Mercado.
Mas mabangis ang Pambansang koponan kung maisasama pa si Marcus Douthit na ang naturalization papers ay nakasalang na sa Senado.
Dalawang beses sa isang araw kung magsanay na ang koponan at sa huling pagsasanay ay may 17 manlalaro ang sumipot sa practice sa The Arena sa San Juan.
Sasagupain muna ng koponan ang Saudi Arabia sa isang knockout game upang malaman kung sino sa kanila ang aabante sa tournament proper.
Kailangang sumalang sa knockout game ang Pilipinas dahil nawalan ito ng ranking matapos masuspindi ng FIBA dala ng problema sa liderato noong 2005.
Magkakaroon naman ng pagkakataon ang Gilas na makilatis ang Saudi Arabian team dahil balak ng koponan na bumisita muna sa bansa at magsagawa ng ilang tune-up games bago tumulak sa Guangzhou, China.
- Latest
- Trending