Antonio kampeon sa pace chessfest
TUGUEGARAO, Cagayan, Philippines --Pinatunayan ni GM Rogelio Antonio Jr., ang kanyang pagiging top rapid player ng bansa matapos na dominahin ang first PACE-Tuguegarao Open Chess Festival na idinaos sa Paseo Reale Mall dito nitong Linggo ng gabi.
Tumapos si Antonio, isinusulong ang kanyang final na hakbang upang makasama sa Philippine team sa Asian Games sa Guangzhou, China sa susunod na buwan, ang nine-round event sa kanyang inilistang walong puntos, pito mula sa panalo at 2 draws upang masikwat ang kanyang kauna-unahang major title sa local na torneo.
Ang multi-awarded campaigner mula sa Calapan, Oriental Mindoro, na umaasang mababawi ang puwestong inilaan sa kanya ng koponan matapos na patawan ng suspension ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP), tumabla kay top seed GM Wesley So na may 8 puntos rin, ngunit nakuha niya ang korona sa bisa ng mataas na tiebreak score.
Sina So at Antonio, na nag-draw sa kanilang laban sa sixth round, ay nagbulsa ng P17,500 para sa pinagsamang first at second cash prizes sa dalawang araw na festival na inorganisa ng Philippine Academy for Chess Excellence (PACE) sa kooperasyon ng Compuserve Land Surveying Company at ng Cagayan at Tuguegarao provincial at city governments.
Pinayuko ni Antonio si NM Rolando Nolte, habang nalusutan naman ni So si IM Oliver Dimakiling sa ninth at final round ng torneo.
Inupuan ng nagbabalik na si IM Oliver Barbosa ang solo third place matapos na sibakin si NM Ronald Llavanes, 7.5 at nagbulsa ng P10,000.
- Latest
- Trending