Viloria sasagupa sa Thai knockout artist sa Boxing At The Bay 5

MANILA, Philippines - Matapos na magta­gum­pay sa kanyang huling laban noong nakaraang Hul­yo, muli na namang sa­salang sa aksyon si Brian “The Hawaiian Punch” Viloria sa harap ng kanyang mga ka­babayan.

Sasalang sa main event ng “Boxing at the Bay 5: Friday Fight Fest” sa Nob­yembre 5 ang 29-anyos Fil-American slugger kontra sa Thai knockout artist na si Liempetch Sor Veerapol sa Ynares Sports Arena sa Pasig.

Itinakas ng dating IBF junior flyweight titlist ang isang split decision victo­ry noong Hulyo 10 laban sa Mehikanong si Omar Soto.

Ang katunggali naman ni Viloria na si Veerapol ay galing sa isang tagumpay laban sa kababayan niya na si Lookrak Kiatmungmee na kanyang tinalo sa pamamagitan ng knock out ng kanya itong pabagsakin tatlong segundo pa lamang ang nakalilipas sa unang round.

Sa kanilang napipintong bakbakan, ibabandera ni Viloria ang kanyang 27-3-0 win-loss-draw record kasama ang 15 KO’s habang ang Thai na si Veera­pol naman ay tangan ang kanyang 19-7-1 na kartada na kinapapalooban ng 12 KO’s.

Sasalang din sa under­cards si Al Sabaupan (13-0-1, 10 KO’s) laban kay Arnel Dunal (10-4-1, 4 KO’s).

Magsasalubong rin ang landas ng dalawa sa pinaka-magagaling na boksingero ng bansa na sina Denver Cuello at Rodel Mayol. Tangan ni Cuello 24-4-6 na record habang dala ni Mayol ang kanyang 26-5-2 na baraha.

Show comments