Championship experience, alas ni Agustin vs Bedans
MANILA, Philippines - Sasandalan ni Renato Agustin ang taglay na championship experience upang mapanatiling hawak ang titulo sa NCAA.
Bubuksan bukas ang 86th NCAA men’s basketball Finals sa pagitan ng San Sebastian at San Beda sa Araneta Coliseum at dehado ang nagdedepensang kampeon sa katunggaling winalis ang 16 na laro sa eliminasyon.
Dahil sa sweep, kailangan ng Stags na talunin ng tatlong beses ang Lions upang mapagtagumpayan ang hangaring title defense sa korona.
Mabigat man ang hamon ay tiwala naman si Agustin na kaya ng kanyang bataan na magawa ito.
“Ang tanging paraan para manalo kami ay ipakita ng aking mga players ang kanilang puso at championship experience,” wika ni Agustin.
Hindi nakaporma ang Stags sa dalawang pagtutuos nila ng Lions ngunit iba ang Finals at umaasa siya na may kabog pa sa dibdib ang mga kamador ng Lions.
“Malalim din ang bench nila at malalaki sila. Kaya kailangang maging handa ang mga beterano ko sa labanang ito,” dagdag pa ni Agustin.
Isa sa aasahan ng batikang mentor na nasa huling taon sa Stags dahil siya na ang hahawak ng San Miguel Beer sa PBA matapos ang NCAA season, ay si Calvin Abueva.
Ang 6’4 forward ay isa sa palaban para sa Most Valuable Player award sa ibinibigay nitong 16.3 puntos, 12.6 rebounds, 1.6 assists, 1 steal at 1 block.
Ang intensidad na ipinakikita ni Abueva ang siyang nais na makita uli ni Agustin upang mahawa ang ibang kasamahan tulad nina John Raymundo, Ian Sangalang at Ronald Pascual na sinasabing handa na para sa Finals.
Si Raymundo ay nasa kanyang huling taon ng paglalaro sa Stags at tiyak na nais niyang mapagkampeon pa ang koponan sa taong ito.
Naipakita niya ang kahandaan na mapangunahan ang San Sebastian nang ibagsak ang 10 sa kabuuang 14 puntos sa laro upang itulak ang koponan sa 61-52 panalo laban sa Jose Rizal University sa huling step ladder semifinals.
- Latest
- Trending