Amir tiwalang mananalo si Pacquiao kay Margarito

MANILA, Philippines - Kung hanggang fifth round ang prediksyon ni sparmate Glen Tapia ng Dominican Republic na itatagal ng laban ni Manny Pacquiao kay Antonio Margarito, kumpiyansa naman si British boxing star Amir Khan na makukuha ni “Pacman” ang kanyang pang walong world boxing title.

Ito ang sinabi ng 23-anyos na si Khan, ang kasaluku­yang World Boxing Association (WBA) light welterweight champion, sa kanyang pagdating kahapon ng umaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

“Whoever you put in front of Manny Pacquiao, I think Manny will beat easily. He’s got the skill, he’s got the speed, he’s got the footwork,” ani Khan sa ABS-CBN.tv. “This fight I think Manny will stop him maybe in Round 8 or Round 9.”

Pag-aagawan nina Pacquiao at Margarito ang bakanteng World Boxing Council (WBC) light middleweight crown sa Nobyembre 13 sa Cowboys Stadium sa Arlington, Texas.

Ang 24-anyos na si Zyrene Parsad ang kakanta ng Philippine national anthem.

Hangad ng 31-anyos na Congressman ng Sarangani ang kanyang pang walong world boxing belt.

Para makuha ito ni Pacquiao, mapapabilang si Khan, ang silver medalist sa 2004 Olympic Games sa Athens, Greece, sa mga sparring partners ni “Pacman” sa kanilang training camp sa Baguio City.

“I spoke to Freddie Roach and he did say me and Manny will be doing a little bit of sparring. We fight similar times. I fight four weeks after Manny. But it’s good to be here you know, ” sabi ni Khan, may 23-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 17 KOs.

Katulad ni Pacquiao, nasa ilalim rin ng four-time Trainer of the Year na si Roach si Khan.

Pinaghahandaan rin ni Khan ang pagdedepensa niya sa kanyang suot na WBA light welterweight title laban kay Marcos Maidana (29-1-0, 27 KOs) ng Argentina sa Disyembre 11 sa Mandalay Bay Resort & Casino sa Las Vegas, Nevada.

“I’m gonna be building my conditioning early in the camp ‘cause my fight’s December 11,” dagdag ni Khan, may 23-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 17 KOs.

Maliban kay Tapia, ang isa pang sparmate ni Pacquiao ay si Mexican Michael Medina.

Show comments