MANILA, Philippines - Dahilan na rin sa ‘sanction’ na posibleng ipataw ng international basketball federation sa women’s team at ang malaking gastusin sa pagbibiyahe ng kabayo ni equestrianne Toni Leviste, nagdesisyon ang Philippine Olympic Committee (POC) na huwag nang salihan ang nasabing dalawang events sa 16th Asian Games sa Guangzhou, China.
Ito ang inihayag kahapon ni POC spokesman at RP Delegation Chef De Mission Joey Romasanta ukol sa pagbaba ng bilang ng mga atleta sa 234 para sa nasabing quadrennial event sa Nobyembre 12-27.
Ayon kay Romasanta, hindi tiyak kung magrereyna ang mga Pinay sa idaraos na SEABA championships sa Oktubre 25-29 sa Ninoy Aquino Stadium.
Ang pagkopo ng national women’s team sa SEABA title ang naging kriterya ng POC.
Sa kaso naman ng equestrian, sinabi ni Romasanta na humigit-kumulang sa $40,000 ang maaaring gastusin para lamang sa pagbiyahe ng kabayo ni equestrianne Toni Leviste pabalik sa Europe mula sa Guangzhou, China.
Bukod kay Leviste, ang iba pang ilalahok sana ay sina Joker Arroyo at Michael Oyson.