Mabilis ang laro ngayon
Mukhang hindi mababagot at bagkus ay matutuwa ang mga fans sa itatakbo ng mga games sa 36th season ng Philippine Basketball Association (PBA) na nagsimula noong Linggo sa Araneta Coliseum.
Aba’y ang bilis ng laro at hindi kagaya ng mga games sa nakaraang seasons na humahaba dahil sa dami ng fouls na itinatawag ng mga referees.
Biruin ninyo ito, ha. Sa opening day game sa pagitan ng crowd-favorite Barangay Ginebra at baguhang Meralco Bolts, may kabuuan lang na 29 fouls ang tinawag ng mga referees. Labing dalawa dito ay isinampal sa Meralco at 17 sa Barangay Ginebra.
Isipin ninyo ‘yun, 29 fouls sa dalawang teams. Dati-rati’y 29 fouls pero sa isang team lang iyon. Lalampas ng 50 fouls para sa dalawang teams.
Kumbaga sa pampasaherong jeepney, dati-rati’y kada kanto o kaya’y wala pa ngang isang kanto ay titigil ang tsuper para magsakay o magbaba. Tuloy ay tumatagal ang biyahe bagamat parehas lang ang distansya. Pero ngayon, parang express ang biyahe. Dire-diretso.
Ang pagbilis ng games sa PBA ay resulta ng pagbabago sa “appreciation” ng foul.
Hindi na tinatawag ang touch fouls o incidental fouls. Yung mga hard o obvious fouls na lang ang tinatawag.
Parang ibinalik sa “no harm, no foul.” Pero mas tama ang application at naipaliwanag nang husto ng bagong commissioner na si Atty. Angelico “Chito” Salud na humalili kay Renauld “Sonny” Barrios na nagretiro.
Eh, may agam-agam nga ang mga fans, players, coaches, team owners at maging mga sportswriters hinggil sa pagbalik ng “no harm, no foul” rule. Pero nilinaw naman ni Salud na hindi naman “harm sa player” ang pakay ng rule kundi “harm sa play.”
Hindi ito bugbugan o kaya’y tatawag lang ng foul ang referee kapag may dugo na. Hindi naman gusto ng PBA na maging barbaric ang mga manlalaro nito at magmistulang mga gladiators noong panahon ng sinauna.
Kasi nga, aminado naman ang lahat na nakakabagot kung minsan ang mga laro sa nakaraang mga taon dahil sa pangyayaring madampi lang ang palad ng isang defender sa likod ng offensive player, pipito kaagad ang referee.
Ano yun? Nakiliti ba ‘yung may hawak ng bola at nakaapekto sa pag-dribble o pag-shoot niya ang damping iyon?
Kung nanonood ka, aba’y talagang mabubuwisit ka! Iyon bang sa dami ng fouls, aabot sa puntong pagalingan na lang ng freethrow shooting ang nangyayari dahil naglalakad na lang ang mga manlalaro papunta sa kanilang frontcourt. Wala na ang aksyon at panay freethrow shooting na lang. Eh, sino ang gaganahan kapag ganoon?
Pero ngayon, iba na nga ang laro. Mas mabilis, mas exciting. At tila wala namang basehan ang pangamba ng karamihan na magkakasakitan ang mga players!
- Latest
- Trending