Star Group hangad makabalik sa porma
MANILA, Philippines - Pipilitin ng Star Group of Publications na makabalik sa porma sa pakikipagtagpo sa Lyceum of the Philippines ngayong alas-7 ng gabi sa 2010 MBL Invitational (Second Conference) basketball tournament sa Lyceum gym sa Intramuros, Manila.
Matapos manalo sa EJM Pawnshop, 62-58, at Rizal Technological University, 100-92, nabigo naman ang Starmen nina coach Rene Recto at team manager Mike Maneze sa CUSA titlists na Manuel L. Quezon University, 78-80.
Nagmula naman ang Pirates ni coach Bonnie Tan sa 82-76 tagumpay sa Royale Business Club sa kanilang huling laro makaraang matalo sa MLQU, 72-73.
Muling ibabandera ng Star Group sina Dennis Rodriguez, Bong Martinez, Gio Coquilla, Mario Geocada, Alfred Bartolome, Gerald Ortega, Randel Reducto, Ting Reyes, Art Divas, Waynne Tabang, Cris Corbin at Ver Roque.
Sa ikalawang laro sa alas-8:30, magtatapat naman ang lider na Wang’s Ballclub at ang Hobe Bihon.
Asam ng Wang’s Ballclub na patuloy na solohin ang pangunguna sa torneong suportado ng Smart Communications, Dickies Underwear at PRC Managerial Services.
May 2-0 rekord ang Wangs Ballclub kasunod ang Star Group (2-1), MLQU (2-1), Hobe Bihon (1-0), Lyceum (1-1), Royale BC (1-1), EJM (1-2), RTU (0-1) at Philippine Air Force (0-3).
Naging biktima ng Wang’s Ballclub ang Philippine Air Force, 82-72, at MLQU, 100-95.
Itatampok ng Mandaluyong-based team sina ex-pros Jonathan Aldave, Biboy Simon at Mar Reyes laban sa Hobe Bihon na umiskor ng 101-86 panalo sa EJM Pawnshop.
- Latest
- Trending