MANILA, Philippines - Tinalo ni Ronnie “Volcano” Alcano ang kababayang si Lee Van “The Slayer” Corteza, 11-7, sa isang all-Filipino finals para pagharian ang 2010 Sangsom Pattaya 9-Ball Invitational Pool Competition sa Royal Garden Plaza sa Pattaya, Indonesia.
“Talagang malaking accomplishment ito para sa akin kasi dito sa tournament na ito sumali ‘yung mga pinakamagagaling na billiards players sa buong mundo eh,” sabi ng 38-anyos na si Alcano.
Ibinulsa ni Alcano ang top prize na 300,000 Baht, habang 50,000 ang napunta kay Corteza.
Kaagad na kinuha ni Alcano ang 4-0 abante hanggang makalapit si Corteza sa 6-7.
Inangkin naman ng 31-anyos na si Corteza ang14th frame upang itabla ang labanan sa 7-7.
Isang scratch ni Corteza sa 15th frame ang sinamantala ni Alcano para walisin ang lamesa at makalayo sa 8-7 kasunod ang pagsikwat sa sumunod na tatlong racks para sa kanyang tagumpay.
Bago ayusin ang kanilang race-to-11 finals match, tinalo muna ni Alcano si Dennis “Robocop” Orcollo, 10-3, samantalang binigo naman ni Corteza si Liu Hui Chang ng Chinese-Taipei, 10-4.
Tinanggap nina Orcollo at Liu ang tig-30,000 Baht.
Ang Pattaya 9-Ball crown ay ang unang major title ni Alcano ngayong 2010 matapos pagharian ang 8-ball division ng Galveston Classic Billiards Extravaganza sa Galveston City, Texas noong 2009.
“Ipinagdasal ko sa Panginoon na makuha ko itong korona para sa mga kababayan ko,” sabi ni Alcano.
Si Alcano ang ikatlong cue master sa pool history na naging double world champion matapos dominahin ang World 8-Ball sa Fujairah, United Arab Emirates at biguin si Ralf “Kaiser” Souquet ng Germany para sa World 9-Ball sa Maynila noong 2007.