MANILA, Philippines - Tamang hugot kay Allein Maliksi ang ginawa ni coach Louie Alas nang kumana ito ng mahahalagang puntos sa huling yugto upang igiya ang Philippine Patriots sa 71-62 tagumpay sa Brunei Barracudas sa ginanap na ASEAN Basketball League (ABL) Season II kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Limang minuto lamang ipinasok si Maliksi sa labanan pero kuminang ito matapos magpakawala ng lahat ng limang puntos sa dalawang transition play upang makahulagpos ang Patriots sa pagbangong ginawa ng Barracudas.
Lumamang ng pinakamalaking 12 puntos ang Patriots sa ikatlong yugto, 43-31, pero nakadikit sa isa ang bisitang koponan, 60-59, sa pinakawalang tres ni Chris Garnet may 5:33 sa orasan.
Nalagay din sa alanganin ang kampanya ng nagdedepensang kampeon nang kailanganing ilabas si Anthony Johnson nang masaktan ang kaliwang shin nito matapos tumama sa upuan sa paghahabol sa bola.
Pero naisantabi ito ng Patriots dahil gumana rin ang 6’10 na si Donald Little na siyang namuno sa matibay na depensa ng Patriots na nagresulta upang magkaroon na lamang ng tatlong puntos ang Barracudas.
“Si Maliksi ang huling player na ginamit ko at krusyal ang mga ibinigay niyang limang puntos,” wika ni Alas.
May 24 puntos, 12 rebounds, 3 assists at 1 steals si Johnson habang 11 puntos, 8 rebounds, 1 assist at 2 blocks ang naiambag naman ni Little.
Si Garnet ay mayroong 23 pntos at 9 rebounds habang sina Chris Commons, Bryan Faundo at Kevin White ay naghatid pa ng 15, 11 at 10 puntos.