Banayag sinuspindi ng PATAFA, sibak na sa RP team sa Asiad
MANILA, Philippines - Nabawasan pa ng isa ang Pambansang manlalarong tutulak sa Asian Games sa Guangzhou, China.
Si marathoner Jho-An Banayag ay hindi na ipadadala ng Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA) matapos patawan ng anim na buwang suspensyon matapos ang paglahok sa Camsur Marathon noong Setyembre 24.
Tumapos sa ikaanim sa pangkalahatan si Banayag sa bilis na 2:58:35 pero una siya sa hanay ng mga lahok ng bansa upang magkaroon din ng P125,000 gantimpala.
Pero kapalit naman nito ay ang kanyang puwesto sa national team at ang P15,000 buwanang allowances na natatanggap sa Philippine Sports Commission (PSC).
“Matapos ang pagpupulong ng mga coaching staff ay nagdesisyon kami na patawan siya ng six months suspension without allowances. May mga house rules ang mga NSAs at bilang isang national athlete ay dapat na sumusunod sila,” wika ni PATAFA president Go Teng Kok.
Pinagbabawalan si Banayag na tumakbo dahil sa Nobyembre nga ay isusulong na ang Asian Games na kung saan makakasama niya si Eduardo Buenavista bilang kinatawan ng Pilipinas sa marathon.
Hindi naman si Banayag ang unang marathoner ng PATAFA na nasuspindi dahil una nang sinampolan sina Christabel Martes at Crecenciano Sabal.
Dahil dito naging pito na lamang ang panlaban ng PATAFA sa athletics at maliban kay Buenavista ay makakasama rin sina long jumpers Henry Dagmil at Marestella Torres, javelin throwers Danilo Fresnido at Rosie Villarito, hammer thrower Arniel Ferrera at steeplechaser Rene Herrera.
- Latest
- Trending