MANILA, Philippines - Pinigilan ng nagdedepensang Wang’s Ballclub ang dating lider na Manuel Luis Quezon University, 100-95, habang binawian naman ng Star Group of Publications ang Rizal Technological University, 100-92 sa pagbabalik aksyon ng 2010 MBL Invitational basketball championship sa RTU gym sa Mandaluyong City kamakalawa ng gabi.
Sumandig ang Wang’s sa kanilang beteranong guard na sina Mario Reyes at dating Talk N Text mainstay Jonathan Aldave upang buhusan ang ilang ulit na tangkang pagbangon ng MLQU at ilista ang kanilang ikalawang dikit na panalo sa nine-team tournament na ito na suportado ng Smart Communications, Dickies Underwear at PRC Managerial Services.
Kumana si Reyes ng apat na sunod na basket sa huling 35 segundo napumitas sa huling tanikala ng iskor sa 95-all upang idiskaril ang final offensive play ng Stallions at selyuhan ang kanilang panalo.
Tumapos naman si Aldave ng 21 puntos, tampok rito ang back-to-back na tres.
Sa kabilang dako, nakakuha naman ang Starmen ng balanseng scoring attack para hiyain ang Blue Thunder sa sarili nilang balwarte sa pagposte ng impresibong malaking margin ng panalo at pagandahin ang kartada ng tropa nina coach Rene Recto at team manager Mike Meneze sa 2-1 win-loss slate.
Muling nagpamalas ng matikas na opensa si Jong Bondoc sa pagtapyas ng game-high 31 puntos at nagdagdag naman sina Lester Reyes at Gio Coquilla ng 22 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Bagamat naiwanan sa unang bahagi ng sagupaan, nagawang bumangon ng Star Group sa pagtutulungan nina Bong Martinez, Gerald Ortega, Dennis Rodriguez at Mario Geocada at nagawa nilang patahimikin ang Beaujing Acot-mentored Blue Thunder sa huling bahagi ng sagupaan.
Star Group 100--Bondoc 31, Reyes 22, Coquilla 10, Ortega 9, Dimas 7, Geocada 7, Roque 6, Rodriguez 5, Martinez 3, Bartolome 0, Reducto 0, Tabang 0.
RTU 92--Elinon 33, Cruz 20, Trinidad 18, Pagente 8, Bagares 6, Santos 3, Balasote 2, Basilio 2, Quiro 0.
Quarterscores: 28-28, 52-53, 80-71, 100-92.