Black kinukonsiderang coach ng National team sa 2011 SEA Games
MANILA, Philippines - Kung mapapahintulutan, mabibigyan ng pagkakataon uli si Ateneo coach Norman Black na mahawakan ang Pambansang koponan na magnanais na manalo sa malaking torneo sa labas ng bansa.
Si Black ang napupusuan ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) upang maging head coach sa bubuuing national team na lalaro sa 2011 Southeast Asian Games sa Sumatra, Indonesia.
Mga collegiate players sa pangunguna nina Aldrech Ramos at Greg Slaughter ang kukunin sa Pambansang koponan na magnanais na palawigin pa ang pagdodomina ng Pilipinas sa SEA Games.
Ayon kay SBP executive director Noli Eala, ikinonsidera rin sa posisyon si FEU coach Glen Capacio pero tumanggi ito.
“Norman is a winner. He is an experience coach and is very familiar with the international game. The SBP believes he could help ups win the gold,” wika ni Eala.
Si Black ay isang multi-titled PBA coach at siyang iniupo sa all-PBA players national team na naglaro sa 1994 Asian Games sa Hiroshima, Japan at tumapos ito sa ikaapat na puwesto.
Ang 6’6 na si Ramos at 7’0 na si Slaughter ay parehong kasapi ng Gilas national team at maglalaro sa UAAP sa susunod na taon.
Si Ramos ay kakampanya pa rin sa FEU habang ang dating University of Visayas (UV) sentro ay isusuot na ang uniporme ng Ateneo sa 74th UAAP season.
Kasabay nito ay plano rin ng SBP na bumuo ng pool ng players na nasa edad na 19 hanggang 22 upang matiyak ang mabilis na daloy ng pagpapalit ng manlalaro sa Gilas team na hawak naman ni Serbian coach Rajko Toroman.
- Latest
- Trending