Junior Altas pasok sa Final 4
MANILA, Philippines - Tuluyan nang ibinulsa ng mga Junior Altas ang ikatlong semifinals ticket, habang kumuha naman ng playoff para sa pang apat na silya ang Squires sa second round ng 86th NCAA juniors’ basketball tournament.
Tinalo ng University of Perpetual Help-System Dalta ang Arellano University, 69-54, samantalang iginupo naman ng Letran College ang Emilio Aguinaldo College, 72-58, kahapon sa The Arena sa San Juan.
Itinaas ng Junior Altas ang kanilang kartada sa 10-6 at kinuha naman ng Squires ang 9-7 rekord kagaya ng CSB-LSGH Junior Blazers.
Nakasama ng Perpetual sa Final Four ang nagdedepensang San Beda Red Cubs at ang San Sebastian Staglets.
Makakatapat ng Junior Altas sa semis ang Staglets sa Final Four match.
Sa seniors division, binigo naman ng Letran Knights ang EAC Generals, 68-47, para tumapos bilang fifth-placer tampok ang 15 points at 15 rebounds ni Jam Cortes.
Nagdagdag sina Jaypee Belencion at Kris Alas ng 15 at 12 points, ayon sa pagkakasunod.
“The blame is on me,” ani coach Louie Alas sa kanyang Knights. “But we’re using this to learn and we’re looking forward to using this for next season.”
Sa ikalawang laro, pinayukod ng Perpetual Altas ang Arellano Chiefs, 66-61, para sa kanilang ikalawang sunod na panalo matapos maglista ng 0-14 baraha.
- Latest
- Trending