Training sa Baguio sinimulan na: Pacquiao pinaboran ni Diaz
MANILA, Philippines - Isama pa sa talaan ng mga naniniwalang mananalo si Manny Pacquiao kay Antonio Margarito si dating undisputed lightweight champion Juan Diaz.
Sa panayam kay Diaz sa 8-count news, bilis at husay sa paggalaw sa ring ang siyang puhunan ni Pacquiao upang manalo ito sa 5’11” na si Margarito.
“I see Pacquiao is going to use his speed, combinations and foot movement. Those will be the keys to a Pacquiao victory,” wika ni Diaz.
Pero hindi dapat magkumpiyansa si Pacquiao dahil may angking mga pamatay na suntok ang Mexicanong katunggali kahit medyo mabagal ito kung magpakawala.
“That’s a risk Pacquiao is going to take. He might get caught coming in by a left hook and a straight right hand,” dagdag pa ni Diaz.
Tiyak namang walang puwang para sa pagkakamali ang ilalatag na plano ni trainer Freddie Roach sa paghahanda nila ni Pacquiao na sinisimulan na ngayon sa Baguio City para sa Nobyembre 13 sagupaan nila ni Margarito sa Cowboy’s Stadium sa Arlington, Texas.
Umakyat ang Team Pacquiao sa Baguio City kamakalawa at kahapon ay nagsimula ng tumakbo sa Burnham Park Lake upang makasanayan na ang high altitude training.
Tatlong linggo ang gagawing pagsasanay ni Pacquiao sa City of Pines at matapos nito ay tutulak na sila sa Los Angeles upang dito tapusin ang paghahanda.
Ganap na alas-6:30 ng umaga nagsimulang tumakbo na si Pacquiao at tahimik naman siyang sinaksihan ng mga nasa lugar pero hindi sila nangahas na guluhin ito sa pamamagitan ng paghingi ng kanyang autograph.
“Maganda ang unang araw ko sa training dito sa Baguio. Maganda rin ang klima at tamang-tama ito sa akin,” wika ni Pacquiao.
Ang trabaho sa gym at mga sparring ay isasagawa uli sa Shape Up Gym sa Cooyesan Hotel na siya ring ginamit ni Pacman nang nagsanay para sa laban nila ni Miguel Cotto noong nakaraang taon.
Ngayon naman bubuksan ang unang yugto ng sparring at inaasahang unang isasabak ni Roach si Michael Medina bago isunod si Glen Tapia.
May dalawang sparmates pa ang darating at sa plano ni Roach, papalo sa 140 rounds ang sparring na isasagawa ni Pacquiao sa kabuuan ng pagsasanay.
- Latest
- Trending