Donaire ikakasa sa Ukrainian boxer
MANILA, Philippines – Hindi man matutuloy ang pangarap na malaking laban ni Nonito Donaire Jr., tiyak namang masusukat siya sa nakuhang kalaban sa magaganap na Latin Fury na handog ng Top Rank sa Disyembre 4 sa US.
Makakatapat ni Donaire si Volodymyr Sydorenko na isang Ukrainian boxer na isa sa mga labang bubuo sa nasabing fight card.
Si Sydorenko ay isang 34-anyos na boksingero na tiyak na susukat sa tunay na lakas ni Donaire dahil ang nasabing boksingero ay minsan nang naging kampeon sa WBA bantamweight division.
May 22 panalo sa 26 laban kasama ang pitong KO, naghari si Sydorenko sa bantamweight division mula 2005 hanggang 2008 at ilan sa mga bigating nakalaban ay sina Julio Zarate, Poonsawat Kratingdaenggym, Jerome Arnould at Nobuto Ikehara.
Naisuko lamang niya ang titulo nang nakabangga si Anselmo Moreno ng Panama noong Mayo 31, 2008 sa pamamagitan ng unanimous decision.
Naglaban uli sila ni Moreno noong Mayo 2, 2009 pero natalo pa rin sa pamamagitan ng split decision.
Huling laban nito ay kontra kay Mbwana Matumla ng Africa nang bumaba si Volodymyr para sa WBC international silver super flyweight title at nanalo ito sa pamamagitan ng unanimous decision nitong Agosto 28.
Si Donaire naman ay magpaparada ng 24 panalo sa 25 laban bukod sa 16KO at papasok sa laban.
- Latest
- Trending