RP binitbit ni Bitoon sa panalo

KHANTY - Mansiysk, Russia--Sa likod ni GM-candidate Richard Bitoon, tinalo ng Philippine Team ang Paraguay, 2.5-1.5, sa fourth round ng 39th World Chess Olympiad dito.

Tinalo ni Bitoon, isang last-minute addition matapos ang suspensyon kay GM Rogelio Antonio, Jr., si FM Eduardo Peralta sa 24 moves ng Sicilian Sveshnikov ga­mit ang puting piyesa.

Pinalambot ng multi-titled campaigner mula sa Me­­dellin, Cebu ang kingside defense ni Peralta sa pamamagitan ng pawn storm bago pakilusin ang kanyang queen at bishop attack patungo sa panalo ng 37th-seeded Filipinos.

Bago ang tagumpay ni Bitoon, tatlong draws muna ang naitala ng Nationals laban sa Paraguayans.

Nauwi sa draw ang laban ni GM Wesley So kay IM Jose Fernando Cubas (ELO 2463) sa 46 moves ng French Defense kagaya ni GM John Paul Gomez kay FM Manuel Latorre sa 34 moves ng Indian defense.

Nakuntento rin sa draw si GM Eugene Torre kay FM Guillermo Vasquez sa 67 moves ng English opening.

Show comments